Kanina habang pabalik ng Cubao, nagdadaldalan kami ng kaibigan ko tungkol sa mga kung anu anong bagay. Tinanong ko kung anong plano niya ngayon sa buhay at sa susunod na taon. Hindi niya nasagot ang tanong ko dahil wala rin siyang sagot sa sarili niya. Clouded pa daw ang utak niya. Nakuntento ako sa pagkibit niya ng balikat. Napag usapan din namin na naiinis siya kay Marian Rivera at gusto ko si Riza, yung model sa PBB. Pero hindi niya kilala yun. Kahit gaano ko i-explain sa kanya, clueless pa din siya, sumuko na ko. Medyo traffic, kaya nauwi kami sa mga tinatawanan naming jokes na natatanggap sa text. Ang babaw pero nakakatawa. Napag usapan din namin na sana parang high school na lang ulit. Wala masyadong problema kung tutuusin. Dati kasi, problema lang namin magkakaibigan kung pano makakabili ng mga celebrity magazines buwan buwan o kaya naman saan kukuha ng pera makapanood lang ng concert ng kung sinong boy band diyan. Ang pinaka mabigat na siguro eh yung kapag malapit na ang exam, paano mo maisisingit ang telebabad ng hindi mapapagalitan? Ang dali lang diba kung iisipin ngayon ang mga sagot sa problema ng mga batang yon? Nasanay kasi sa madali, sa pa easy easy lang. Ngayong mas mabibigat ang problema, ang sarap isipin na sana may madaling paraan pa din para makalusot. Pero sa buhay namin ngayon, alam namin na maraming bagay ang hindi na matutugunan sa pamamagitan ng pera lang o paghahanap ng sagot sa libro. Kami lang ang may sagot sa mga tanong at sa kung anumang baka sakali ang meron kami. Pagkatapos nung topic na yun, pinroblema nalang namin kung magkano kaya aabutin yung plantsang bibilin niya at kinuwento ko din na parang nasira ko ata kahapon yung escalator ng sm dahil sa takong ko. Nauwi nanaman ulit kami sa tawanan.